Tulad ng bukang-liwayway na may dalang pangako ng pag-asa at tagumpay, bubuksan natin nang may ngiti sa puso at diwa ng pagkakaisa ang taong panuruan 2020-2021. Ang minamahal nating mga mag-aaral na patuloy na nagdudulot ng lakas at inspirasyon sa Kagawaran ng Edukasyon, Sangay ng Lalawigan ng Quezon, upang tayo ay magpatuloy sa layong makapaghatid ng dekalidad at pantay na edukasyon para sa lahat. Sila ang rason kung bakit sa kabila ng mga hamong kinakaharap sa pamilya at pamayanan ay hindi tayo natitinag sa ating mga adhikain, sa ating kagustuhang sila'y matutong bumasa, bumilang, sumulat at maging isang responsableng mamamayan.
Batid nating walang makapipigil sa ating makapaghatid ng kaaalaman at lumilok ng mabuting asal sa bawat mag-aaral katuwang ang kanilang mga magulang. Ang mga inosenteng piraso ng papel, ang mga tintang bumahid sa kamay, ang mga putik na nagpabigat sa mga sapin sa paa, ang mga nagngangalit na ilog o bumubugsong ulan at hangin na sinuong, ang mga gadyet na humihiling kahit konting pahinga, ang mga kwentong hindi narinig o naibahagi--- lahat ng mga ito ay naging saksi sa mga sakripisyo ng bawat bayaning guro. Hindi kayang bayaran ng salapi ang inyong dedikasyon at pagmamahal sa mga mag-aaral at paaralang pinaglilingkuran.
Ang Kagawaran ng Edukasyon, Sangay ng Lalawigan ng Quezon, ay lubos na nagpapasalamat sa mga guro, mga pinuno ng paaralan at mga tagamasid pampurok na kabahagi ng ating opisina sa bawat hakbangin sa paghahandang ito. Hindi natin maisasakatuparan ang lahat ng ating natamo kung hindi dahil sa inyong lahat na nagpaabot ng tulong at patuloy na naghahatid ng suporta sa iba't ibang kapamaraanan: sa mga magulang na katuwang ng mga paaralan sa pagkatuto ng kanilang mga anak, gayundin sa mga lokal na pamahalaang nagbuhos ng kanilang di matatawarang suporta at nagpuno sa pangangailangan ng ating mga paaralan, kasama ang napakaraming indibidwal at samahang nagkaloob ng kanilang mga biyaya.
Tunay ngang ang lakas ng isang pamilya ay bumabalong mula sa puso ng mga taong nagsasama-sama at handang magbahagi para sa kabutihang panlahat. Pagyabungin pa natin ang ating nasimulan. Isulong pa natin ang ating mga adhikain para sa kabataang Quezonian. Magkapit-bisig. Kaya natin ang lahat kung tayo'y nagkakaisa.
Maligayang bati sa ating mga bayaning guro!
ELIAS A. ALICAYA, JR., EdD
OIC-Schools Division Superintendent
DepEd, Division of Quezon
All content is in the public domain unless otherwise stated.
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.
Copyright © 2020 Department of Education DIVISION OF QUEZON
Template Designed: GOVPH | Developed and maintained by Rommel Oczon